Tagalog News: Mga dayuhan mag–oobserba sa halalan sa Mayo 14
By Nene A. Manzanares
Catarman, Northern Samar (9 May) -- Umaabot sa 219 na mga taga ibang bansa galing sa 12 na mga bansa at 7 na mga organisasyon ang sa ngayon ay gustong kumuha ng mga accreditation sa Commission on Elections (Comelec) upang bumisita at mag-obserba sa mga lugar ng botohan sa darating na Mayo 14.
Nangunguna sa dami ang embahada ng Estados Unidos sa bilang na 86, sinusundan ng Japan (26); British embassy (11); Canadian embassy (10); Australian embassy (9); Spanish embassy (8); limang mag-oobserba galing Singapore embassy at France embassy; tatlo galing sa mga embassy ng Sweden, Finland at Germany at isang galing sa New Zealand embassy.
Sa 12 foreign organizations na gustong magkaroon ng accreditation, umabot 24 na mga mag-oobserba ang manggagaling sa The Asia foundation; 9 galing sa ACF Compact; 8 galing sa National Democratic Institute at USAID Phils. At tig- isa galing sa Friedrich Naumann at Europian Commission.
Tinanggap ni COMELEC Chairman Benjamin Abalos ang mga application for accreditation. Sinabi niyang ang pag-oobserba ng halalan dito sa atin ng mga taga-ibang bansa ay isang oportunidad upang maipakita ang klase ng demokrasya dito sa ating bansa. Ang mga rekomendasyon ng mga nag-oobserbang taga ibang bansa ay importante upang malaman natin kung paano maging mas mapabuti pa at mapalakas ang pamamalakad ng halalan sa bansa. Ang mga nasabing mag-oobserba ay hindi papayagang pumasok sa loob ng polling precincts at hindi rin puedeng makialam sa daloy ng proseso ng pagboto.
Ang publiko at ang mga kandidato ay hinihikayat na gamitin ang oportunidad na ito upang maipakita sa international community na ang ating bansa ay marunong humawak at magpalakad ng matiwasay at kapanipaniwalang halalan. (PIA Northern Samar) [top]