Tagalog News: Sorsogon Bay kontaminado pa rin ng red tide toxin
by Bennie Recebido
SORSOGON PROVINCE (May 23) -- Nagpalabas muli ng panibagong shellfish advisory ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kahapon upang patuloy na maipaalam sa mga mamamayan ang kasalukuyang kondisyon ng Red Tide sa Sorsogon Bay dito sa syudad ng Sorsogon sa lalawigang ito.
Sa Shellfish Bulletin No. 11 series of 2007 na ipinalabas ng BFAR na may petsang May 18, 2007, positibo pa rin sa Red Tide contamination ang look ng Sorsogon kung kaya't patuloy pa ring ipinatutupad ang shellfish ban dito.
Kaugnay nito, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagkuha, pagtitinda , pagbibiyahe at pagkain ng mga lamang-dagat na kasama sa listahan ng banned shellfish tulad ng tahong at halaan kasama na ang ilang uri ng maliliit na isda tulad ng tuway at butete.
Sa Sorsogon, ito na ang pinakamatagal na panahong naitala na nakontamina ang look ng Sorsogon ng Red Tide toxin.
Matatandaang nagsimulang mairekord ng BFAR na kontaminado ng Red Tide ang naturang look noong Oktubre 2006 at hanggang sa kasalukuyan ay nakataas pa rin ang alert level nito. Halos umaabot na sa pitong buwan ang presensya ng nasabing toxin dito.
Maliban sa naitalang naging biktima ng Paralytic Shellfish Poisoning dala ng Red Tide noong mga buwan ng Nobyembre at Disyembre 2006, wala nang sumunod pang naitalang biktima nito hanggang sa kasalukuyan.
Nakapaloob din sa nasabing Shellfish Bulletin na maliban sa Sorsogon Bay, Sorsogon City, Sorsogon, nakataas pa rin ang Red Tide Alert at Shellfish Ban sa ngayon sa mga coastal waters ng Wawa sa Bani, Pangasinan, coastal waters ng Milagros sa Masbate, look ng Bislig sa Bislig City at Hinatuan Bay na pawang nasa Surigao del Sur.
Samantala, negatibo na sa Red Tide toxin ang look ng Dumanquillas sa Zamboanga Del Sur matapos ang halos ay pitong buwan din nitong pagiging positibo sa Red Tide toxin. (PIA Sorsogon) [top]