Tagalog News: Pagiging aktibo ng Bulkang Bulusan nagdudulot ng malaking perwisyo sa mga residente
by Bennie Recebido
SORSOGON PROVINCE (May 24) -- Nagpahayag na ng pagkabahala ang ilang mga residente na malalapit sa paanan ng bulkang Bulusan at sa mga naapektuhan ng pagbuga nito ng abo dahil marami nang mga ilog at sapa ang sa ngayon ay nababalutan na ng putik o di kaya'y nangagsituyo na at marami nang mga pananim ang nasira at talagang hindi na mapapakinabangan.
Ang mga bahaging ito ng tubig ang pangunahin nilang pinagkukunan ng mga patubig sa kani-kanilang palayan at pinagkukunan din ng ilang mga residente ng ginagamit nilang tubig sa pang-araw-araw.
Ang mga pinagkukunan din nila ng inuming tubig ay apektado na kung kaya't nagkakaroon na rin ng sila ng problema kung saan sila kukuha ng malinis na tubig na maiinom.
Dahil dito, nanawagan ang mga residente na kung maaari ay bigyang-pansin din ng mga kinauukulan ang kanilang mga pangangailangan.
Samantala, sa isinagawang pagpupulong ng Disaster Coordinating Councils dito, tinalakay nila ang mga hakbanging dapat gawin sakali ngang tuluyan nang sumabog ang naturang bulkan. Muli din nilang binigyang-pansin ang mga kukulang mandato ng bawat ahensyang miyembro ng Disaster Coordinating Councils.
Sa pakikipagpulong din ng matataas na opisyal ng National Disater Coordinating Council at Office of Civil Defense sa mga local chief executives, sinabi nilang kinakailangan ng masusing pagmamanman, pagtuunan ng pansin ang mga hinaing ng mga residente partikular na yaong mga apektado at isagawa ang natatanging hakbangin bago pa man dumating ang kalamidad.
Nagsagawa na rin ng pangalawang aerial survey ang Office of the Civil Defense sa pangunguna ni OCD Regional Director Raffy Aviendo kasama ang local PDCC sa pakikipagtulungan nito sa Philippine Army upang mas matiyak pa ang kondisyon ng bulkan at makapagsagawa ng comparative studies ukol sa ikinikilos nito.
Sa kaugnay pa ring balita, nagbabala na rin si Casiguran Mayor Edwin Hamor at pansamantalang ipinagbabawal ang paliligo sa Oroc, isa sa mga dinarayong paliguan sa Inlagadian sa bayan ng Casiguran sa probinsyang ito. (PIA Sorsogon) [top]