Tagalog News: Disaster management experts darating sa Sorsogon
by Bennie Recebido
Sorsogon Province (24 May) -- Nakatakdang dumating sa Bicol Region at sa lalawigan ng Sorsogon ang ilang mga eksperto upang masuri ang geohazards sa buong rehiyon at upang tulungan ang lokal na pamahalaan ng probinsya sa ipinatutupad na Disaster Management nito.
Ang mga ekspertong ito ay naimbitahan sa Pilipinas sa pangunguna ng Oxfam-Great Britain at United Nations Development Programme (UNDP) sa pakikipagtulungan ng Lokal na pamahalaan ng Albay at ng Sorsogon at magtatrabaho katuwang ang PHIVOLCS.
Ang naturang mga eksperto na magmumula pa sa Academy of Sciences sa Beijing, China ay aprubado na ng kanilang bansa pagdating sa disaster management strategies sapagkat marami nang mga buhay ang naisalba dahilan sa kanilang kakayahan at epektibong early warning systems.
Isa sa pangunahing estratehiya nila ng geohazard mitigation ay ang pagorganisa at pagtuturo sa komunidad ng mga dapat gawin upang aktibong makalahok ito sa pagmamanman sa mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran partikular ang mga pagbabagong nagbabadya ng panganib.
Ayon kay incoming Governor Sally A. Lee, personal din niyang inimbitahan ang mga scientists na ito at ang ekspertong si Jean Chu, kinatawan ng UNDP, upang gabayan ang probinsya sa mga isinasagawang paghahanda partikular ngayong napakaaktibo ng bulkang Bulusan.
Ipinahayag din ni Lee na ginagawa ang ganitong mga paghahanda hindi upang alarmahin ang mga tao kundi upang mabigyan ng tamang impormasyon tungkol sa mga tamang paghahanda upang mapigilan ang anumang sakunang maaaring idulot dala ng pagputok ng bulkan.
Isa sa mga nakitang lugar na maaaring direktang daanan ng lahar ay ang Brgy. Cogon sa Irosin kung kayat ginagawa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon ang mga kaukulang hakbang upang mailikas sila o kaya'y permanente nang lisanin ang nabanggit na lugar.
Idinagdag pa niya na humingi na rin siya kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng pambili ng lupa para mailipat ng permanente sa isang ligtas na lugar ang mga residente ng barangay Cogon bago pa man dumating ang malalakas na pagsabog ng bulkan nang sa gayon ay walang mabubuwis na buhay.
Aminado ang bagong uupong gobernador na mahirap kumbinsihin ang mga taga-Brgy. Cogon na lisanin na nila ang kanilang lugar, subalit aniya, kailangang maintindihan ng naturang mga residente na para sa kanilang kapakanan, kaligtasan at kapanatagan ang gagawing paglilipat sa kanila ng lugar.
Ayon pa sa kanya, nakikipag-ugnayan ngayon ang lalawigan ng Sorsogon sa UN Habitat at World Bank upang tulungan ang probinsya sakaling magkaroon nga ng malakas na pagsabog at malaking perwisyo ang bulkan. (PIA Sorsogon) [top]