Tagalog News: Green Philippines program tampok sa MOA ng Multi-Sectoral Forest Protection Council
by Bennie A. Recebido
Sorsogon Province (31 May) -- Bilang pagtaguyod sa 8 by ’08 Program ng pamahalaang Arroyo partikular ang Green Philippines Program, isinagawa kamakailan sa DENR-CENRO ang pirmahan ng Memorandum of Agreement ng mga miyembro ng Sorsogon Multi-Sectoral Forest Protection Council (MFPC) na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa rehiyon ng Bicol.
Naging tampok na panauhin sa naturang MFPC MOA signing si DENR OIC Regional Executive Director Reynulfo Juan kasama si RTD Antonio Abawag at si RTD Luna.
Kabilang sa mga pumirma sa MOA ay ang mga miyembro nito na binubuo ng DENR bilang lead agency, DPWH, PENRO-LGU, Philippine Coast Guard, PIA, Sangguniang Panlalawigan Committee on Environment, Prosecutor’s Office ang syudad at ng probinsya, Social Action, Sorsogon City Water District, PAFC at Soreco 1 & 2.
Isa sa mga napagkasunduan bilang pagsuporta sa Green Philippines Program ay ang Tree Planting Activities na nakatakdang isagawa ngayong taon ng mga kinauukulan kabilang ang Philippine Army, PNP, PNOC, Peoples’ Organizations at mga furniture makers sa lalawigang ito.
Kasabay nito, iprinisenta rin ni Community Environment and Natural Resources Officer ng probinsya na si Rene Camacho ang isang taong iskedyul ng tree planting activities na kung saan bawat ahensya ay nangako ng kaukulang bilang ng mga punong kanilang itatanim at nangako ng kaniya-kaniyang estratehiyang gagawin upang mabantayan ang pangangalaga at pagtubo ng kanilang mga itinanim sa loob ng isang taong programa.
Kaugnay nito, apat na komitiba ang binuo para sa naturang tree planting activity.
Ayon kay Camacho, nakatakdang simulan ang pagtatanim pagdating ng tagulan, subalit, aniya, sa sandaling maihanda na ang bilang ng mga seedlings na itatanim, na sa ngayon ay may mga kaunti na lamang kakulangan, sisimulan na agad ng mga kaukulang ahensya ang pagpapatupad ng kani-kanilang mga ipinangakong counterpart.
Tinalakay din ni Camacho sa naturang pagtitipon ang Provincial Profile ng Forestry Protection Program ng Sorsogon na kung saan ipinakita niya ang mga nakakalbo nang kabundukan at kagubatan sa probinsya at kung aling mga bahagi na ang may on-going reforestation program.
Prayoridad ang mga lugar ng Osiao sa Bacon District at Macabog sa syudad ng Sorsogon, munisipyo ng Castilla at Prieto Diaz sa mga pagtatanimang lugar.
Mga fruit-bearing trees, pili, akasya at iba pang angkop na puno ang ilan sa mga nakatakda nilang itanim. Ang mga seedlings ay magmumula sa DENR at PNOC.
Ang probinsya ng Sorsogon ang pinakaaktibong multi-sectoral forest protection council sa buong rehiyon ng Bikol na nagpapatupad ng mandato ng bawat ahensyang sangkot. (PIA Sorsogon) [top]