Tagalog News: FIDA pinangunahan ang abacaravan sa Sorsogon
Lalawigan ng Sorsogon (Hunyo 7) -- Upang higit na mapalago ang kaalaman ng mga mamamayan ng Sorsogon ukol sa mga programa, proyekto at mga gawain ng Fiber Industry Development Authority (FIDA), kasalukuyang isinasagawa ngayon sa Villa Isabel dito sa syudad ng Sorsogon ang ABACARAVAN.
Hinikayat ni Dr. Editha O. Lomerio, OIC Regional Director ng FIDA, ang mga mamamayan ng Sorsogon na makilahok upang higit pang palaguin ang kanilang mga kaalaman ukol sa kahalagahan at mga benepisyong maaaring makamit sa pamamagitan ng pagtatanim ng abaca.
Kanina ay nagkaroon ng motorcade sa kahabaan ng lansangan ng syudad ng Sorsogon na sinundan ng pagbubukas ng exhibit.
Matapos ang seremonya ng pagbubukas at registration, sinimulan na ang maikling programa kung saan si Judy Bordeos ng FIDA V ang nagbigay ng inbokasyon at si Daniel Lachica naman ng PFO, FIDA-Sorsogon ang itinalagang magbigay ng Welcome Address.
Sa kasalukuyan ay tinatalakay na ni FIDA Administrator Cecilia Gloria J. Soriano ang kahalagahan ng industriya ng abaca sa pagbubuo ng isang bansa.
Susundan naman ito ng pagtalakay ni FIDA, OIC-PSD Danilo E. Ocayo ng mga programa at proyekto ng FIDA.
Si FIDA Regional Director Lomerio ang siyang magpiprisinta ng tunay na kalagayan ng fiber industry sa rehiyon ng Bicol upang bigyang kamalayan ang mga participants ukol dito.
Ang naturang abacaravan ay may temang "Abaka ay pinagkakakitaan, Dapat alagaan." (PIA Sorsogon) [top]