Tagalog News: Bintang sa MILF wag naman pangunahan - Kabalu
by CL Cadorna
Koronadal, South Cotabato (14 June) -- "Dapat tingnan muna nila ang sitwasyon, hindi padalos-dalos sa pagbintang." Ito ang pahayag ni Eid Kabalu, MILF Spokesman nang kapanayamin sa radio kaninang umaga ukol sa natagpuang car bomb sa bayan ng Surallah, South Cotabato kamakalawa.
Ayon kay Cabalu, ang mga isyung lumalabas ay lubhang masalimuot. "Its entirely unfair, wala pang resulta ang imbestigasyon, MILF kaagad ang ibinibintang," dagdag pa ni Kabalu.
Ayon sa ulat ng Surallah police, ang car bomb na kulay itim na Toyota Corolla sedan ay ipinarada sa harapan ng municipal hall ng Surallah isang araw bago ito mapansin ng mga autoridad.
Hango sa impormasyon, ang kotse ay huling nakita na minamaneho ng isang Idris Sabal na itinuturong miyembro ng isang lost command group ng MILF.
"Kung mayroon mang taong na-identify, wag naman idamay kaagad ang MILF," pakiusap pa ni Kabalu.
Ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at MILF ay nasa dulo na ng negosasyon at inaasahang malalagdaan na sa lalong madaling panahon. (PIA 12) [top]