Komentaryo: Dagdag na sahod, pangako ng Pangulo
by Rose B. Palacio
Davao City (20 June) -- Nagpalabas ng isang Executive order si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at iniutos sa Department of Budget and Management (DBM) na magpalabas ng pondong P10.3-bilyon na gagamitin para sa dagdag na sahod para sa mga taga-gobyerno bilang katuparan sa pangako ng Pangulong Arroyo.
Sinabi ni DBM Secretary Rolando Andaya na sa susunod na buwan (Hulyo), bilang pagpapatupad sa utos ni Pangulong Arroyo, tatanggapin na ng mga taga-gobyerno ang 10% increase sa kanilang mga suweldo.
Ang dagdag na sahod na ipinatutupad ng Pangulo ay dala sa magandang ekonomiya na dinaranas ngayon ng bansa at nais ng Pangulo na maibalik ang economic gains na ito sa mga mahihirap, at mga empleyado ng gobyerno.
Kamakailan ay nagpalabas ng pondong P5-bilyon ang Pangulo upang pondohan ang kanyang anti-hunger program at ang poverty alleviation program sa hangaring maiangat ang kabuhayan ng mahihirap na Pilipino na ayon sa isang survey ay maraming Pinoy ang naghihirap at hindi nakakakain ng wasto araw-araw.
Tuloy ang RatPlan ni PGMA – DBM
Ayon kay DBM XI Director Archiles Bravo, wala silang natanggap na alinmang utos mula sa Malakanyang na hindi matutuloy ang rationalization plan na iniutos ni Pangulong Arroyo.
Sa isang interview ng Philippine Information Agency kay Director Bravo sa isinagawang launching and blessing ng ARENA XI regional office sa Davao Airport View Coffee shop & steak house na pag-aari ni Bebot Sevilla, inihayag ni Bravo matutuloy ang RatPlan tulad ng utos ng Presidente.
Di dapat mawalan ng pag-asa ang mga nag-file ng RatPlan sapagka’t kungdi lamang sa ginanap na halalan noong Mayo 14, malamang na maipatupad na ang RatPlan ng pamahalaan tulad ng utos ni Pangulong Arroyo.
Ang Ratplan ay isang Executive Order ng Pangulo na dapat sundin. Kung mayroon mang mga pagbabago o revisions ang RatPlan, dapat ay ipinarating na ito sa DBM na siyang magpapalabas ng pondo para sa Ratplan ng administrasyon, ani Director Bravo. (PIA XI) [top]