Tagalog News: Kaso ng dengue sa Sorsogon naitala
by BA Recebido
Lalawigan ng SORSOGON (June 26) -- Patuloy ang panawagan ng Sorsogon Provincial Health Office sa pangunguna ni Provincial Health Officer Dr. Edgar F. Garcia sa mga mamamayan ng probinsya ng Sorsogon na pag-ibayuhin ang pag-iingat laban sa nakamamatay na sakit na Dengue.
Ang Dengue H-Fever ay isang nakahahawang sakit sanhi ng virus na naisasalin sa pamamagitan ng kagat ng lamok.
Ayon kay Dr. Edgar Garcia, sa pagkakalap nila ng mga datos ng insidente ng dengue sa probinsya noong nakaraang linggo, 82 katao na mula Hunyo 2 hanggang Hunyo 20 ang nairehistrong nagkaroon ng lagnat at pinaghihinalaang may posibilidad na maging biktima ng dengue
Ang 82 kataong ito ay pawang nagmula sa munisipyo ng Matnog, Sorsogon partikular sa Brgy. Tabunan at karamihan dito ay pawang mga bata na nag-eedad ng halos ay pitong taon.
Sa kabuuang bilang na ito, pito lang ang naipasok sa iba’t-ibang mga ospital sa lalawigan na karamihan ay mga pribadong ospital sa lalawigan at lima sa mga ito ay idineklarang positibo sa dengue.
Patuloy namang inoobserbahan hanggang sa kasalukuyan ang iba pang nasa ospital at nasa kanilang mha tahanan. Subalit, ayon sa attending physicians ng mga nasa ospital at sa Provincial Health Surveillance Team, malaki ang posibilidad na dengue ang sakit nila sapagkat halos ay ilang araw na rin na mataas ang kanilang lagnat na siyang pangunahing sintomas ng Dengue H-Fever.
Ayon pa kay Garcia, inalerto na rin nila ang mga Municipal Heath Offices at mga Barangay Health Workers sa buong lalawigan at patuloy din ang pangangalap nila ng mga kaparehong datos mula sa iba’t-ibang mga munisipyo.
Sa ngayon, aniya, ay sa munisipyo pa lamang ng Matnog may naiulat na ganitong uri ng insidente. Subalit, sinabi ng opisyal na hindi kailangang magpabaya ang mga kinauukulan pati na rin ang mga residente.
Inamin ni Garcia na kahit sila ay nagulat sa biglaang paglobo ng bilang ng mga naging pasyente na may kaugnayan sa dengue kung kaya’t mahigpit ang ginagawang pagmamanman ng Provincial Health Office at pinag-iibayo na rin nila ang paghahanap ng kaukulang remedyo o stratehiya upang hindi na magpatuloy ang pagkalat ng naturang virus sa probinsya ng Sorsogon.
Nanawagan din si Garcia sa mga mamamayan na laging panatilihin ang kalinisan sa anumang oras at pagkakataon. Sinabi rin niyang kung may mga bata o kaya’y miyembro ng pamilya na nakararanas ng mga sintomas ng dengue tulad ng pagkakaroon ng lagnat at biglaang pagtaas nito na tumatagal nang 2-7 araw, pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan, pananakit ng ulo at panghihina, na huwag mag-atubiling dalhin kaagad ito sa pinakamalapit na ospital upang mabigyan ng panguna at agarang lunas. (PIA Sorsogon) [top]