Tagalog News: NPA nagdeklara ng ceasefire sa palibot ng Mt. Bulusan
Sorsogon Province (1 August) -- Nagdeklara ng unilateral ceasefire sa palibot ng bulkang Bulusan ang mga rebeldeng New People's Army kahapon upang bigyang-daan ang relief operations kasunod ng naganap na pagsabog nito.
Ayon kay Spokesperson Samuel Guerero ng Celso Minguez Command, ang tigil-putukan ay mananatili hanggang sa matapos ang relief operations sa paligid ng 15-km radius.
Subalit sinabi din ni Guerero na nakahanda silang lumaban sakaling atakehin sila ng mga militar.
Matatandaang, muling nagkaroon ng ash explosion bandang alas nueve y medya (9:30) kahapon ang bulkang Bulusan matapos ang ilang araw na pananahimik nito.
Ayon kay PHIVOLCS resident volcanologist Bella Tubianosa, ito na ang pinakamalaking aktibidad ng bulkan na kanilang naitala makalipas ang mga na taon.
Ilan sa mga unang nakaranas ng ash falls ay ang mga lugar ng Barangay Cogon, Gulang-Gulang, Bolos, Mombon at Gabao sa Irosin at ang mga barangay ng Putting Sapa, Sangkayon at Buraburan sa munisipyo ng Juban.
Makalipas ang ilang oras, naapektuhan na rin ang ilang mga lugar sa munisipyo ng Bulan, Casiguran at Castilla.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa Alert Level 1 status ang bulkang Bulusan.
Samantala, nakapamahagi na rin kahapon ng tatlong-daang piraso ng dust masks ang PDCC, 800 dust masks mula sa DepEd at P25,000 halaga ng face towels mula naman sa PNOC sa residente ng mga apektadong barangay.
Iniutos din ni Sorsogon Gov. Sally Lee ang paglilikas sa mga residente sakaling lumala ang sitwasyon ng bulkan. Nakahanda na rin ang labingwalong tents mula sa DepEd at mga silid-aralan na maaaring tuluyan sakaling magkaroon ng evacuation.
Sa pinakahuling bulletin na ipinalabas ng PHIVOLCS ngayong umaga, nananatili pa rin ang abnormal na aktibidad ng bulkan. Apatnapu't anim na pagyanig ang naitala sa loob ng nakalipas na dalawampu't-apat na oras.
Wala rin silang naitalang malaking pinsala kaugnay ng pagsabog maliban sa maninipis na abo na nakaaapekto sa timog-kanluran at hilagang-kanlurang bahagi ng bulkan. (PIA Sorsogon) [top]