Tagalog News: DOH XII na-alarma sa pagtaas ng dengue cases sa rehiyon
Koronadal, South Cotabato (1 August) -- Puspusan ang isinasagawang kampanaya at pagkilos ng Department of Health, Region XII upang masawata ang lalong pagtaas ng bilang ng nagkakasakit ng dengue sa Central Mindanao.
Ayon kay DOH XII regional Director Dr. Abdullah Dumama, umabot sa 160% ang itinaas ng dengue cases sa rehiyon mula January hanggang June 2007 kung ihahambing noong nakalipas na taon.
Ayon kay Dr. Dumama, bagamat ang pagtaas ng bilang ay hindi maituturing na epidemya, ito ay nakaka-alarma lalo na't madalas ang pag-ulan sa Mindanao kabilang ang Region XII.
Binigyang diin ni Dumama ang mahigpit na pagsunod ng mga mamamayan sa pagtutok sa kalinisan ng kapaligiran, mga kanal, regular na paglinis ng mga iniimbakan ng tubig at ang pagpractice ng 4:00 o'clock habit bilang mabisang paraan ng pagpuksa sa posibleng pamugaran ng lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Nananawagan si director Dumama sa mga magulang na kumunsulta agad sa health center o hospital kung off and on ang lagnat ng isang miyembro ng pamilya.
Kanya ring ipinaliwanag na libre ang pagsasagawa ng fumigation o fogging operations at hindi dapat na magbayad ang mga mamamayan na humihiling ng ganitong serbisyo ng gobyerno. (pbc/PIA 12) [top]