Tagalog News: PGMA ipinaaabot ang pakikiramay sa mga nasawi at nasaktan sa pagsabog sa Batasan
Manila (15 November) -- Ipinaaabot ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pakikiramay at panalangin ng buong bansa sa mga nasawi at nasaktan sa nangyaring pagsabog sa batasan ilang oras ang nakaraan.
Agad na inatasan ng Pangulo ang mga manggagamot ng pamahalaan na sumaklolo sa mga biktima at ang kapulisan kasama ang sandatahang lakas na lalong higpitan ang seguridad ng bansa at resolbahin ang nangyaring pagsabog.
Pinulong na rin ng Pangulo ang National Security Council (NSC) executive committee na inatasang pangunahan ang imbestigasyon at ang pagbuo ng mga hakbang upang iwasan ang muling pagkakaroon ng katulad na insidente.
Habang tinutukoy ng kapulisan ang dahilan ng pagsabog at pinagtitibay ang pagbabantay sa bansa, nananawagan si Pangulong Arroyo na iwasan ang mga haka-haka, paratang at sabi-sabi na maaaring lumikha ng kaguluhan, takot at hidwaan.
Aniya, sa halip na magturuan, kailangan na magkapit-bisig ang mamamayan at maging mapagmatyag laban sa iba pang mga banta na maaaring gumambala sa kapayapaan ng bansang Pilipinas. (ajph/PIA 12) [top]