Tagalog News: Abot-kayang bigas ngayong kapaskuhan - PGMA
Manila (20 November) -- Bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaang Arroyo na maipa-abot sa mga mamamayan ang bunga ng matatag na ekonomiya ng bansa, ipinag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagrelease ng karagdagang P100 milyong pondo na makakatulong upang mabigyan ng abot kayang bigas ang mamamayang Pilipino ngayong darating na kapaskuhan.
Ang nasabing pondo na magmumula sa Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) ay malaking tulong upang magkaroon ng sapat na suplay ng bigas ang National Food Authority (NFA) na ibinebenta sa mga Tindahan Natin Outlets upang matugunan ang kahirapan at pagkagutom ngayon sa bansa.
Sa ngayon umabot na sa mahigit 7,000 mga Tindahan Natin Outlets ang kasalukuyang nagbibigay ng serbisyo sa mamamayang Pilipino kung saan nagbebenta din dito ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan na mabibili naman sa abot kayang halaga. (Abb/PIA 12) [top]