Tagalog News: Dalawang pampublikong paaralan sa Sorsogon magiging recipient ng NSWMC
by Benilda A. Recebido
Sorsogon Province (10 December) -- Dalawang pampublikong paaralan dito sa lalawigan ng Sorsogon ang iprinisinta ni Governor Sally A. Lee upang maging recipient ng National Solid Waste Mangement Commission (NSWMC) sa implementasyon ng solid waste management program na pinaboran naman ng naturang commission.
Ang magiging mga pilot schools na ito ay kinabibilangan ng Sorsogon West Central School sa kategoryang pang-elementarya at ang Sorsogon National High School naman sa pangsekondaryang kategorya.
Ang pondong gagamitin sa pagpapatupad ng nasabing programa ay magmumula sa NSWMC sa pamamagitan ng provincial government. Ang implementasyon ay nakabase sa Work and Financial Plan ng probinsya na ipatutupad sa loob ng isang taon.
Layunin ng programang ito na ipinatutupad sa mga paaralan sa buong bansa, na maturuan ang mga mag-aaral sa murang edad nila kung paano ang tamang pamamahala at segregasyon sa pagtatapon ng mga basurang particular yaong mga nabubulok at di-nabubulok. Nais din ng programang ito na malinang sa mga kabataan ang tamang proseso sa pagsasagawa ng reduction, reusing at recycling ng mga basura o ang 3Rs ng Solid Waste Management.
Bumuo na rin ng core group ang mga paaralan kung saan binubuo ito ng 20 -30 mag-aaral sa National High School habang 15 – 20 mga mag-aaral naman sa Central School. ANg mga ito ay sasanayin ng provincial government at ng NSWMC upang higit pang mapagtibay ang implementasyon nito. Nangako din ang dalawang paaralan na maglalagay ng ecology nook sa isang estratehikong lugar ng kanilang campus.
Tiniyak naman ng pamunuan ng dalawang paaralan na gagawin nila ang lahat upang maging matagumpay ang gagawin nilang pagpapatupad ng programa sa Solid Waste Management o ang tamang pamamahala ng pagtatapon ng mga basura ayon sa nakapaloob sa Republic Act No. 9003.
Nanawagan naman si PENRO-LGU Officer Engr. Maribeth Fruto sa mga opisyal ng nasabing mga paaralan na maging consistent sa pagpapatupad nito at maging sa mga magulang at mga mamamayan na ipagpatuloy ang pag-eeducate sa mga bata sa kani-kanilang mga tahanan at komunidad sa pamamagitan ng kahalintulad na pagpapatupad sa mga paaralan.
Sa ganitong paraan, aniya, ay mas lalong maitatanim sa isipan ng mga mag-aaral ang solid waste management program sapagkat saan man sila pumunta ay mayroong continuity ito dahil magkakahalintulad ang ipinatutupad na programa.
Naisagawa na rin ang oryentasyon sa mga principal, PTCA Presidents, Division Superintendent, Brgy. Chairmen, mga ahensyang sangkot at mga partners sa pagpapatupad ng solid waste management program.
Sa darating na Miyerkules, Dec. 12, ay nakatakda na rin ang pirmahan ng Memorandum of Agreement sa pagitan nina Governor Sally Lee at NSWMC Executive Director Zoilo Andin. (PIA) [top]