Tagalog News: Atienza dumalo sa 1st Asia Pacific Water Summit
Manila (10 December) -- Dumalo kamakailan si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Lito Atienza sa ginanap na 1st Asia Pacific Water Summit sa Japan na kumatawan kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo; pangunahing tinalakay sa nasabing pagpupulong ang isyu kaugnay sa global warming at ang pagtaas ng temperatura na nagiging sanhi ng pagbaha at bagyo sa Asya Pasipiko.
Ayon kay Atienza, nakakaalarma na ang problema sa supply ng tubig at ang hindi maayos na pangangalaga nito kung kaya’t pinaghahanapan na ngayon ng solusyon ng 49 na mga bansa sa Asia Pacific ang nasabing problema kasama na dito ang water-related disasters na isa sa malaking problemang hinaharap ng rehiyon
Dagdag pa nito, kailangang panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng pangunahing pinagkukunan ng supply ng tubig sa bansa upang magkaroon ng malinis na iinuming tubig ang bawat mamamayan kung saan binigyang diin nito na ang tubig ang isa sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan. (Abb/PIA 12) [top]