Tagalog News: 100 Agusanos tatanggap ng handog mula sa PGMA program
Koronadal City (18 December) -- Makakatanggap ang isang-daang (100) Agusanos ng Christmas gifts mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa ilalim ng programang Pamasko ni Gloria Matulungan Ako (PGMA) ngayong araw kasabay ng pagdiriwang ng kanilang Provincial Capitol Christmas Party na may temang "Pasko sa Kapitolyo 2007".
Ayon kay TESDA Agusan Sur Senior Specialist and PGMA-TWSP focal person Engr. Norberto Dorado, pitumpu't-limang (75) motorsized-sikad drivers at dalawampu't-limang (25) masahista ang makakatanggap ng handog mula sa programang "Galing Mekaniko Ako" at "Galing Masahista Ako" na bahagi ng Accelerated Hunger Mitigation Program (AHMP) ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Inaasahan naman ng pamahalaan na sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga handog sa mga mamamayang nangangailangan, kahit papano'y makakatulong ito upang magkaroon ang kanilang tahanan ng masaya ay masaganang pasko.
Mt. Province nakatanggap din
Pinangunahan nina Presidential Assistants Thomas Killip at Josephine Dominguez pati narin ni Mt. Province Governor Maximino Dalog ang pamimigay ng handog sa mga taga Mt. Province kamakailan sa ilalim ng programang "Pamaskong Handog ni Pangulong Gloria Arroyo".
Namahagi ang mga ito ng 2, 250 packs ng assorted goods at namigay din ng cheke ang Self-Employment Assistance-Kaunlaran (SEA-K) program ng Department of Social Welfare and Development sa Panuman SKA sa Bila, Bauko na nagkakahalaga ng P75,000 samantalang ang Pyrite SKA sa Aguid, Sagada naman ay nakatanggap ng P100, 000.
Namahagi rin ang mga ito ng limang certificate upang makapag-operate ng Tindahan Natin at dalawang kahon ng mga gamot na nagkakahalaga ng P25,000 sa mga Botika ng Barangay sa ilang barangay ng Mt. Province. (Lgtomas/PIA 12) [top]