Tagalog News: Operation Tulong Express ng SM Foundation para sa mga biktima ni "Ondoy", tuloy pa rin
by R. Orinday
Lucena City (14 October) -- Patuloy ang ginagawang pagtulong ng mga empleyado ng SM Super Mall sa lungsod na ito gayundin ang mga tenant at mga shopper sa pamamagitan ng programang "Operation Tulong Express" para sa mga biktima ng bagyong "Ondoy".
Ayon kay Ms. Lilibeth Azores, Public Relation Officer ng SM City Lucena, ang SM Supermalls ay may 35 branches sa buong bansa kasama na ang SM City Lucena at patuloy na tumatanggap ng mga donasyon na cash o goods hanggang Octubre 15 sa pamamagitan ng "Operation Tulong Express" ng SM Foundation.
Ayon pa kay Azores, ang malilikom na tulong ng SM Foundation ay dadalhin naman sa Channel -4 at Caritas Manila na siyang mamamahala sa pamimigay ng tulong sa mga apektadong lugar.
Sa kasalukuyan, ang SM Supermalls ay nakapagbigay na ng may 20,000 relief bags na may lamang lumang damit at pagkain sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong "Ondoy."
Samantala, ang SM Department Store ay naglunsad din programa na naglalayong tulungang maisaayos ang mga nasirang mga paaralan sa Metro Manila at iba pang lalawigan na nasira ng bagyo. Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng halagang P10.00 mula sa sa isang shopper na isasama sa bawa't P500.00 na halaga na binili sa loob ng SM Department Store. Ito ay n agsimula noong Setyembre 29 hanggang Oktubre 05, 2009.
Katuwang ng SM Department Store sa programang ito ang GMA Kapuso Foundation na naglalayong maisaayos o muling maitayoa ang mga paaralang nasira ng bagyong "Ondoy".
Ang SM Foundation ay patuloy ding nakikipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga munisipalidad sa pagsasagawa ng medical mission at pamamahagi ng mahigit na 10,000 bags ng dry goods at mga pagkain. Ang BDO Foundation naman ay nagkaloob ng tulong na mga groceries na nagkakahalaga ng P10M sa pamamagitan ng ABSCBN Sagip Kapamilya Foundation. (PIA4A) [top]