Tagalog News: Suliranin sa irigasyon ng Mansalay, tinugunan ng Oriental Mindoro LGU
Calapan City (27 October) -- Nakahandang tumugon ang pamahalaang panlalawigan sa pangangailangan sa maayos na irigasyon ng mga magsasaka sa Mansalay.
Sa pagbisita ni Gobernador Arnan sa bayan ng Mansalay noong nakaraang linggo, inabutan niyang nagpupulong ang mga magsasaka na kasapi ng Wasig Communal Irrigation Association, Inc. sa day care center ng Barangay Balugo. Ang irrigation association ay binubuo ng may 200 magsasaka ng mga barangay ng Balugo, Sta. Maria, Villa Celestial at Roma.
Sa pagpupulong, napag-alaman ng Gobernador na may kasalukuyang suliranin ang asosasyon sa implementasyon ng Balikatan Sagip Patubig Program ng NIA. Sa programa ay ipagagawa an P10 milyong irrigation facility para sa may 500 ektaryang palayan sa nabanggit na apat na barangay ng Mansalay.
Ayon kay Ginoong Ernesto Dionisio, pangulo ng Wasig Communal Irrigation Association, Inc., sa kasunduan para sa programa ay kailangan ang P1M counterpart fund ng kanilang asosasyon. May komitment, na anila, silang nakuha para sa P1M ring counterpart fund ng pamahalaang bayan ng Mansalay.
Bagamat ipinaliwanag ni Engr Shirley Bahia ng NIA na maaari nang mapasimulan ang proyekto sa P8M alokasyon ng kanilang kagawaran ay kakailanganin pa rin sa pagpapakumpleto ng proyekto ang counterpart funds ng asosasyon at pamahalaang lokal.
Nang marinig ng Gobernador ang suliranin, kaagad siyang nangako na tutulungan ang asosasyon sa kanilang pinoproblemang pondo upang higit na maisaayos ang pagsasaka na ikinabubuhay ng maraming mga taga-Mansalay.
"Kung kinakailangan, nakahanda akong ipagkaloob sa inyong samahan ang kailangan ninyong pondo para sa proyekto. Ginagawa po namin ito sapagkat napakahalagang maisaayos ang mga suportang imprastraktura sa pagtataguyod ng pamahalaang panlalawigan sa agrikultura na pangunahing industriya na bumubuhay sa ekonomiya ng lalawigan," ayon sa Gobernador.
"Ngayon ay talagang nakita natin ang pagsuporta ni Governor Arnan sa agrikultura. Saludo ako sa inyo Governor," ang binitiwang paghanga ni Engr. Bahia.
Ang mabilis na pagtugon ni Gobernador Arnan sa pangangailangan ng mga mamamayan ay ang paglilingkod na siya ring itinataguyod ni Vice Mayor Rafael Infantado sa kanyang paglilingkod simula pa noong siya ay maging kagawad ng barangay, kasapi ng Sangguniang Panlalawigan at bilang pangalawang punong-lungsod ng Calapan. Kaya't sa kanilang pagtutuwang ni Gobernador Arnan sa pamamahala ng Oriental Mindoro ay tinitiyak niya ang higit na maayos na implementasyon ng mga proyektong pangkaunlaran sa lalawigan.
Bilang kinatawan ng ikalawang distrito sa Sangguniang Panlalawigan ay nangako ng patuloy na suporta si Bokal Butch Soller sa lahat ng mga adhikain ng magsasaka. (PIA) [top]