Komentaryo: Mananagot sa batas ang mga may sala sa Nursing exams
by Rose B. Palacio
Davao City (14 October) -- Siniguro ng gobyerno na mananagot sa batas ang mga may kasalanan sa dayaang naganap sa 2006 Nursing Board Examinations na lumikha ng malaking isyu sa nursing profession sa bansa.
May 17 mga pangalan ang isinumite ng NBI sa Malakanyang na sinasabing nasa likod ng leakage para sa test 3 at test 5 ng nasabing eksaminasyon.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni NBI Director Nestor Mantaring na nakasentro ang dayaan sa ilang review centers sa Metro Manila at Baguio City taliwas sa mga naunang report na kalat ito sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Kabilang sa 17 kakasuhan ng paglabag sa RA 8981 o Professional Regulation Commission Modernization Act na may katumbas na pagkakulong ng hanggang 12 taon ay ang mga nursing examiners na sina Anesia Dionisio at Virginia Madeja.
Ayon pa rin sa NBI, hindi bababa sa 1,900 mga mag-aaral ang posibleng nakinabang sa leakage base sa bilang ng mga estudyante na nag-enroll sa nasabing mga review centers na pansamantalang hindi muna inihayag.
Mindanao bombings, kinondena
Kinondena ng Administrasyon ang ginawang pagpasabog sa Cotabato na ikinasawi ng 12 at marami pang sugatan.
Tatlong pagsabog sa loob ng 24 oras ang nangyari at dahil dito’y iminungkahi ang madaliang pagpasa sa anti-terror bill. Kundi’y ilang buhay pa ang masasayang dahil sa pag-atake ng mga terorista.
Ang NPAs ay kabilang sa mga tinatawag na terorista at ang batasan 6 ay matagal nang iniuugnay sa nasabing samahan. Iisa ang kanilang ideolohiya bagama’t hindi ito lantaran.
Dito sa Mindanao region, patuloy ang ginagawang pagsuyod ng mga tauhan ng military at pulisya sa mga pinagtataguan ng Abu Sayyaf at ilang miyenbro ng Jemaah Islamiyah.
Kabilang sa kanilang hinahanap ang mga responsible sa Bali bombing noong 2002 na sina Umar Patek at Dulmatin na sinasabing kinukupkop ng ilang teroristang grupo sa rehiyon ng Mindanao.
Paghihiganti ang nakikitang motibo ng mga ororidad sa magkakasunod na pag-atake dahil hawak na nila ang kasalukuyang sumasa-ilalim na interogasyon ang asawa ni Dulmatin. (dispatch PIA-rbp) [top]