Komentaryo: Election fever, nagsisimula na
by Rose B. Palacio
Davao City (31 October) -- Ngayon pa lamang ay papainit na ang election fever. Matagal pa ang eleksyon period na mag-uumpisa sa Enero, pero tila yata, nagsisimula nang umiinit ang kampanya.
Ang pagdaraos ng eleksyon ay sertipikong itinatakda ng Saligang Batas. Hindi ito maaaring i-postpone lamang dahil sa hindi nai-bid-out na kontrata. Kung ang problema ni Atty. Macalintal ay ang election automation, inaamag na tayo sa manual process ng halalan.
Ngayon pa ba tayong magkakansela ng election dahil lang bitin na sa oras para sa computerization nito?
Tama naman na hindi dapat madaliain ang bidding para sa bagong kontrata ukol sa election automation project. Kung ang Comelec-Mega Pacific contract na dumaan sa mahabang proseso ay sumabit pa sa legalidad, ano pa kaya ang bagong kontrata?
Pagbibigay ng kontrata ng Comelec
Malisyoso ang pagpapalutang ng iba na ang kontrata daw ng Comelec sa Multi Form Corporation na nanalo sa bidding para sa printing job sa Comelec. Ang multi-forms ay pagmamay-ari ng pamilya ni Johnson Fong. Si Johnson at anak nitong si Bernard ay kasama sa mga stockholders ng Mega Pacific.
Base sa records ng securities and exchange commission, totoo daw na kasama sa mga incorporators ng Mega Pacific ang mga Fong. Pero sabi ni Comelec Chairman Benjamin Abalos, walang masama dito kung nakakuha man ng bagong printing contract ang Multi Forms sa kanilang Komisyon. (PIA) [top]