Tagalog News: Pagkakapatay kay Janjalani, tumapos sa Abu Sayyaf - PGMA
Koronadal, South Cotabato (22 January) -- Ang napatunayang pagkamatay ni Khaddafy Janjalani, lider ng Abu Sayyaf, ang naghudyat ng wakas ng teroristang grupo na may kagagawan ng mga pambobomba at pagkidnap simula pa noong 1990s, ito ang binigyang diin ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ng Pangulo na hindi titigil ang pamahalaan sa pagtugis sa nalalabi pang tauhan ng grupong ito matapos ang matagumpay na operasyon na pananalakay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bukod kay Janjalani, nasawi na rin sa pakikipaglaban sa mga sundalo ng pamahalaan sina Jainal Antel Sali, Jr., alyas Abu Sulaiman, Aldam Tilao, alyas Abu Sabaya, at Hamsiraji Sali.
Ayon sa Pangulo, palapit na ang bansa sa tunay na kapayapaan, pagkakasundo at kasaganaan sa buong rehiyon kasabay ng panawagan sa sambayanang Pilipino na huwag magpapabaya kailanman at magbantay palagi.
Idinagdag ng Pangulo na ngayong napatunayan nang napatay ng mga sundalo si Janjalani sa labanan sa kabundukan ng Sulu, lalong titibay ang tiwala sa Pilipinas at lalong darami ang mga imbestor na pupunta rito. (anp/PIA 12) [top]