Komentaryo: Kaguluhan sa Sulu, tigilan na
by Rose B. Palacio
Davao City (19 April) -- Nanawagan ang Organization of Islamic Countries (OIC) sa mga namumuno ng Moro National Liberation Front na tigilan na ang kaguluhang nangyayari sa Jolo Sulu na umano'y kagagawan ng isang MNLF commander na nagngangalang Ustadz Habier Malik.
Pinuri ni Secretary Jesus Dureza, Philippine peace negotiator, ang panawagan mismo ng OIC sapagka't isang malaking bagay ito para sa MNLF upang matigil ang patayang nagaganap sa Sulu.
Malaki din ang epekto ng nangyayaring kaguluhan sa Sulu at ibang bahagi ng Mindanao region. Nakakaapekto ito sa peace negotiation na ginagawa sa pagitan ng pamahalaan at ng MNLF.
Hangga't hindi tumutupad sa kasunduan ang MNLF sa kasunduan na pinirmahan noong 1996, walang katapusan ang peace process na ito at hindi makakamit ng Mindanaoans ang tunay na kapayapaan na malaon na nitong inaasam-asam.
Kailangan ang tunay na pagkakasunduan at pagkakaunawaan ng dalawang panel at magkaroon ng iisang hangarin kung talagang nais nating makamit ang kapayapaan at katahimikan sa Mindanao region, ani Dureza.
PDEA, nangangailangab ng agents
Sa mga bagong graduates at sa mga naghahanap ng trabaho, inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may hiring ngayon sa naturang ahensiya kaya huwag na kayong magpatumpik-tumpik.
Sinabi ni PDEA regional director Wilkins Villanueva na bibigyan ng priority ang mga civil service eligibles. Ang edad ay nasa pagitan ng 21 at di lalampas sa 40 at tapos sa alinmang kurso sa kolehiyo.
Sa mga interesado, hanapin ninyo si Cochang Yambao-Suarez sa PDEA at humingi ng application forms.
Magmadali, hindi itatagal ang pangangalap na ito at kaunting panahon lamang ang inilaan sa hiring, ani police officer Cochang Suarez. (PIA) [top]