Komentaryo: Pangnegosyo para sa taga-Gobyerno, ilulunsad ngayon
by Rose B. Palacio
Davao City (25 May) -- Ilulunsad ngayong araw na ito, Mayo 25 (Biyernes) sa Davao City Trade and Convention Center ang pinakabagong programa ni Pangulong Arroyo, ang "Go Negosyo, Go Gobyerno (livelihood lending facility for government employees) upang mabigyan ng puhunan ang mga trabahante ng gobyerno at makapagsimula sila ng kanilang sariling negosyo.
Ayon kay Cerge Remonde, PMS Director General and Oversight Official for Micro, Small and Medium Enterprises (MSME), inaasahang libo-libong taga gobyerno ang sasali ngayon sa naturang business forum.
Noong Pebrero, taong ito, umabot na sa P159.8-bilyon ang nailabas ng lending institutions ng gobyerno bilang pautang sa mga empleyado na nakapagbigay din ng humigit-kumulang na 1.5-milyon bagong trabaho para sa naghahanap ng gawain.
Congressman Garcia, may scholarship program
Simula pa sa unang taon ng aking panunungkulan ay naipatupad ko ang iba't-ibang programa para matulungan ang mahihirap nating kababayan, ayon kay reelectionist representative ng pangalawang distrito ng siyudad ng Davao, Congressman Vincent Garcia.
Bawat taon, umaabot sa 600 estudyante ang nabiyayaan sa scholarship program ni Congressman Garcia na nag-aaral sa kolehiyo sa USP, Obrero, siyudad ng Davao.
Walang pakalakasan sa programang ito. Hindi na kailangang makiusap o humingi kayo ng tulong sa opisyales ng gobyerno o sinumang barangay captain. Ang gagawin lang ng estudyante ay kumuha ng entrance examination sa USP at kung siya'y pinalad na pumasa, makapagpapatuloy siya sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo, ani Congressman Garcia.
Ginawa kong simple ang programang ito upang hindi mahirapan ang mga batang nais makapag-aral sa kolehiyo at makapagtapos ng kanilang mga kurso, aniya. (PIA) [top]