President Gloria Macapagal-Arroyo's Statement: At the Procurement Transparency Group-National Economic and Development Authority (NEDA)-Cabinet Group Meeting
Aguinaldo State Dining Room, Malacañang, February 19, 2008
Mga kababayan, kailangan sa pagsulong ng ekonomiya, paglaki ng investment at pagdami ng trabaho ay labanan ang katiwalian. Ito ang dahilan kaya naglaan tayo ng mga P3 billion laban sa katiwalian sa nagdaang mga taon, pinakamalaking halaga na ginugol kontra sa korupsiyon.
Bahagi rin ng ating laban sa katiwalian ang mga lifestyle check o pagkilatis ng maluhong pamumuhay at ari-arian, upang makita kung sino ang nagpapayaman. Dose-dosenang opisyal ang natatanggal o kinakasuhan taun-taon dahil sa lifestyle check, na ang kasalukuyang administrasyon ang tanging nagpatupad.
Bukod sa pagtugis sa mga tiwali, may pagkilos din tayo upang maiwasan ang katiwalian. Magpupulong ngayon ang isa sa mga pangkat na ating nilikha upang bantayan ang pagkontrata ng mga proyekto ng gobyerno. Ito ang Procurement Transparency Group na naatasang magpuwesto ng mga tanod sa mga tanggapan ng gobyerno.
Kabilang sa grupo hindi lamang ang mga departamento ng pamahalaan, gaya ng Kagawaran ng Budget, Katarungan at National Economic and Development Authority (NEDA), kundi ang mga samahan ng lipunang sibil na siyang magtuturo at magpupuwesto ng mga tagapagmanman sa mga kontrata. Upang labanan ang katiwalian, nagbabantay ang bayan sa pamamagitan ng Procurement Transparency Group.
Sa pagtugis natin ng korupsiyon at paghahangad ng katotohanan at katarungan, mahalaga rin ang mga institusyon ng hustisya, gaya ng hukuman at Ombudsman. Dinoble natin ang budget ng Ombudsman upang makapagdagdag ito ng imbestigador at tagapagsakdal, at dahil dito, umakyat ng limang beses ang porsiyento ng mga kaso na naipapanalo sa Sandiganbayan.
Umaasa tayo na magiging masigasig at patas ang pagsisiyasat ng Ombudsman, walang pagkiling, walang politika, walang pagda-drama. Katotohanan lamang, alinsunod sa patakaran ng batas, base sa matibay na ebidensiya, at may paggalang sa karapatan kapwa ng akusado at nag-aakusa. Ito ang sistema ng demokrasya upang maresolba ang mga usapin at paratang nang mapayapa, makatotoo, at walang padalus-dalos.
Sa ganitong mga pagkilos upang labanan ang katiwalian at ipatupad ang batas, igagalang ang ating bansa bilang demokrasya at ekonomiyang nasa gulang — gumagalang sa karapatan, sumusunod sa proseso ng katarungan, at masusing sinusuri at hinuhusgahan ang mga usaping bayan.
Pagyamanin natin ang ating sistema ng batas at hustisya, ang susi sa kapayapaan at kaunlaran. Maraming salamat! (OPS) [top]