Tagalog News: 37,681 Sultan Kudarateņos nakiisa sa "Stand Up Take Action" event
by Andrew Hornales
Koronadal City (29 October) -- Umaabot sa 37,681 katao ang lumahok sa ginanap na Stand Up Take Action (SUTA) event sa buong Sultan Kudarat.
Layunin ng Stand Up campaign, ayon sa Population and Strategies (PDS) Task Force ng United Nations Population Fund (UNFPA) sa lalawigan na pinangungunahan ni Engr. Romeo B. Zaragoza, ang maipakita ang pagkakaisa ng mga kabataan, kawani ng pribado at publikong sektor at ng mga opisyal ng pamahalaan sa pagsisikap na wakasan ang kahirapan at maabot ang Millennium Development Goals (MDGs).
Sa Sultan Kudarat, matagumpay na ginanap ang simultaneous stand up campaign sa mga paaralan, mosque at private at public offices, kung saan, nagkaroon ng simpleng programa tulad ng pagkanta ng "Bata pa Ako" ng mga mag-aaral at ang pagbabasa ng Khutba ng mga Muslim.
Pinangunahan din ng mga religious advocates ang simultaneous prayer na ipinarinig sa pamamagitan ng local radio bilang highlight ng Stand Up Take Action event.
Ang Stand Up Take Action campaign ay nilahokan hindi lamang ng Pilipinas kundi pati na rin ng mga bansang tumataguyod sa MDGs. (PPDO-Sultan Kudarat/PIA 12) [top]