Tagalog News: Lalago ang kalakal sa magandang daan
Calabarzon (26 February) -- "Isa sa maraming pakinabang kapag maganda at maayos ang daan ay ang paglago ng kalakal," ito ang sinabi ni Senando M. Guinto, Consumer Arbitration Officer ng pangrehiyong tanggapn ng Department of Trade and Industry (DTI IV-A) na nakabase sa Lungsod ng Calamba, Laguna.
Sa isang panayam, pinuri ni Guinto ang proyektong ipinagkloob ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo hingil sa rehabilitasyon at pagpapalawak ng South Luzon Expressway na nag-uugnay sa Alabang at Calamba sa ilalim ng Luzon Urban Beltway Project.
Ayon kay Guinto, malaking tulong ito sa iba't ibang industriya hindi lamang sa CALABARZON kundi maging ang iba pang mga rehiyon na dumadaan sa South Luzon Expressway (SLEX) upang dalhin ang kanilang mga prdukto sa Metro Manila bilang sentro ng merkado.
Binigyang diin ni Guinto na ang proyekto ng pamahalaan ay sagot sa pinapagarap na kaunlaran ng mga mangangalakal dahil sa dagdag na kita at sa kalaunan ay dagdag na trabaho para sa mamamayan.
Idinagdag pa nito na maging ang pamahalaan ay magkakaroon din ng dagdag na pondo mula sa buwis ng kalakal na magbibigay daan sa mas maganda at epektibong serbisyong tutugon sa mga pangangailangan ng publiko. (NAC PIA Calabarzon) [top]