Tagalog News: Tungkulin ang seguridad at kaligtasan ng mamamayan
Calabarzon (26 February) -- Sinabi ni PSSUPT Nestor R. Pastoral, Chief, Regional Police Community Relations Division ng Police Regional Office (PRO IV-A) na nakabase sa Camp Vicente Lim, Calamba City na pangunahing kautusan ni PCSUPT PERFECTO P. PALAD, Regional Director ng PRO IV-A na protektahan at isiguro ang kaligtasan ng mamamayan maging ang mga manlalakbay mula sa kamay ng mga masasamang elemento.
Ayon kay Pastoral, malaking bagay ang magaagwa ng maluwag at magandang daan sa mas mabilis na pagresponde ng kapulisan sa anumang tawag ng tungkulin.
Sa ngayon, aniya, ay mayroong nakabase na police checkpoint sa South Luzon Expressway (SLEX) partikular ang 2nd Regional Mobile Group upang proteksiyunan at pangalagaan ang kapakanan ng mga manlalakbay at tugunan ang anumang pangangailangan kaugnay ng kanilang tungkulin.
Sinabi ni Pastoral na malaking kaluwagan para sa lahat ang proyekto ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagpapalawak at rehabilitasyon sa may 27.3-kilometrong daan na nag-uugnay sa Alabang at Calamba.
Inihayag ng opisyal na di lamang ang kanilang hanay ang makikinabang sa proyekto ng pamahalaan kundi lahat ng sektor ng lipunan. Naniniwala si Pastoral na ang proyekto ay angkop upang matugunan ang minimithing kaunlaran sa rehiyon. (NAC PIA Calabarzon) [top]