Tagalog News: DSWD 3 inanunsyo na ang regional finalists sa 4Ps jingle making contest
San Fernando City, Pampanga (14 September) -- Inanunsyo na ng Deparment of Social Welfare and Development Field Office 3 ang apat na regional finalists sa kanilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) jingle making contest.
Ito ang "Bilib Kami Sa'yo Pinoy?.Yes We Can" ni Brian Christian D. Escasa, "Kayang-Kayang Mo Pinoy" ni Joel P. Gueco, "Kayang-kaya ng Pinoy" ni Rachael L. Gatbonton at "Buhay Pinoy" ni Melvin Santos.
Sina Escasa, Gueco at Gatbonton ay tiga City of San Fernando, Pampanga habang si Melvin Santos naman ay residente ng San Miguel, Bulacan.
Ang mga finalists ay pinili ng regional screening committee na binubuo nina 4Ps Systems' Focal Minandro Soliman, 4Ps regional information officer Jasper Nicolas at ISTUKAS Band Lead Guitarist Jake Maglanque.
Gaganapin ang regional finals sa huling linggo ng buwang kasalukuyan kung saan ang magwawagi ay makakatanggap ng sampung libong piso at siyang kinatawan ng Gitnang Luzon sa national finals.
Ang idedeklarang panalo sa national finals ang magiging official jingle ng 4Ps program at itatanghal ito ng live sa ika-60 anibersaryo ng kagawaran sa darating na Enero sa Maynila. (PIA) [top]