Tagalog News: DOST 3, iniimbitahan ang mga kumpanya sa Gitnang Luzon na subukang magpasuri sa kanilang RSTL
San Fernando City, Pampanga (19 November) -- Iniimbitahan ng Department of Science and Technology 3 ang mga kumpanya sa Gitnang Luzon na nasa food manufacturing, trading at production sectors na subukang magpasuri sa kanilang Regional Standards and Testing Laboratory o RSTL.
Matatagpuan sa Diosdado Macapagal Government Center sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga, ito ay nagsasagawa ng mga physio-chemical, calibration at microbiological tests.
Kabilang sa mga microbiological tests na isinasagawa nito ay ang pagsuri kung potable o ligtas inumin ang tubig na ibinebenta ng isang water refilling station.
Maliban sa mga kumpanya, maari ding ipasuri ng mga estudyante dito ang kanilang mga scientific experiments.
Sinabi ni Regional Director Conrado Oliveros na ang kanilang laboratoryo ang may pinakamababang singgil sa buong rehiyon.
Bukod pa dito ay garantisado rin na dekalidad ang ibibigay nitong serbisyo pagkat ito ay sertipikado ng International Organization for Standardization o ISO.
Para sa proseso ng pagpapasuri at iba pang katanungan, maaring tawagan ang RSTL sa mga numerong (045) 455-0594, 455-0800 at 09217263084. (PIA) [top]