Tagalog News: Kalidad ng opinion poll survey ng Pulse Asia ipinasusuri
Manila (31 July) -- Nanawagan si Press Secretary Jesus Dureza sa Marketing & Opinion Research Society of the Philippines (MORES) na suriin ang pamamaraang ginamit ng Pulse Asia survey firm sa naging opinion poll survey nito na ginawa bago ihayag ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang State-of-the-Nation-Address (SONA) ngayong taon.
Maliban sa pamamaraan ng nabanggit na survey, kinu-question din ni Dureza ang timing ng isinagawang survey sa 1,200 adult respondents sa bansa mula noong ika-1 hanggang 14 ng Hulyo hinggil sa popularidad ng Pangulo at kung paniniwalaan ng mga ito ang ihahayag ng Pangulo sa kanyang SONA samantalang hindi pa naman umano nagaganap ang SONA.
Binigyang diin din ni Dureza na ang Pulse Asia ay hindi miyembro ng MORES na minomonitor ang bawat miyembro nito upang matiyak ang kalidad at integridad ng pagsasagawa ng kanilang mga survey.
Hinikayat naman ni Dureza ang Pulse Asia na maging pantay at nanawagan sa mga eksperto na suriin ang isinagawang survey nito dahil masyado umano itong loaded at isinagawa bago ang SONA ng Pangulo kung kaya't agad na mapapansin ng mga ordinaryong mamamayan ang ibang layunin nito. (Lgtomas/PIA 12) [top]