Tagalog News: Babala sa pagbili ng Christmas lights
Ni Carlo P. Canares
Laoag City, Ilocos Norte (17 November) -- Pasko na naman. Marami na naman palamuti at ilaw sa mga tahanan at daanan. Subalit mag-ingat sa pagbili ng Christmas lights. Inaalerto ng Department of Trade & Industry (DTI) ang publiko na bumili lamang ng dekalidad at ligtas na Christmas lights.
Bumili lamang ng Christmas lights na may Import Commodity Clearance (ICC) na naisyu mula taong 2007 hanggang sa kasalukuyan. Kasama sa ICC Mark ang "year issued," "month issued" at "Certificate Number."
Dapat rin hanapin sa labels ng Christmas lights ang mga sumusunod: pangalan ng importer/supplier/distributor; address at trademark; rated voltage at rated wattage; mga salitang "For indoor use only;" at iba pang angkop na babala kagaya ng "disconnect from power supply before removing or inserting lamp;" "avoid damage to insulation material;" "avoid risk of overheating."
Sinumang mapatunayan na nagbebenta ng uncertified Christmas lights ay maaring mapatawan ng administrative penalties sa ilalim ng Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines. Ang publiko ay hinihikayat na mag-report sa DTI ng mga tindahan na nagbebenta ng mga Christmas lights na walang ICC mark o pekeng marka. (PIA) [top]