Komentaryo: Heightened alert sa bansa
by Rose B. Palacio
Davao City (17 October) -- Makatwiran ang naging desisyon ng pamunuan ng Philippina National Police na isailalim sa hightened alert ang ilang lugar sa bansa dahil sa banta ng pag-atake ng mga teroristang grupo.
Kinakailangan ang pakikipagtulungan ng bawat sector upang maging matagumpay ang ating kampanya laban sa terorismo, ayon kay National Security Adviser Norberto Gonzales.
Dapat nating aminin na hindi mga super heroes ang ating AFP at PNP upang mabigyan ng garantiya ng isang-daang porsiyento ang kaligtasan ng bawat Pinoy. Puede tayong makibahagi sa labang ito kahit na sa mga maliliit na bagay.
Ang pagiging vigilant ay isang malaking tulong sa ating mga otoridad, ayon kay Secretary Gonzales. Ireport natin sa mga law enforcement agencies ang mga impormasyon na ating nakukuha na maaaring makatulong sa kanilang pagtugis sa mga kalaban ng estado, aniya.
Travel advisories sa ibang bansa, inilabas
Ang mga bansang Japan, United Kingdom, Canada, US at Australia ay nagpalabas ng travel advisory para sa kanilang mga kababayaan na nasa ating bansa. Kanilang ipinapayo na iwasan ang mga matataong lugar bagay na direktang makakaapekto sa ating tourism industry sa kasalukuyan na kapag tumagal ay tiyak na makakaapekto na rin sa ating ekonomiya.
Maraming bagay ang dapat ipagmalaki ng ating bansa sa daigdig. Yon nga lamang ay nasasapawan ito kung minsan ng ilang masamang balita dahil na rin sa kapabayaan ng ilan sa atin.
Sa banta ng terorismo, kinakailangan ang matalim na batas laban ditto, ang patuloy na pagkakabitin ng anti-terror bill ay lalong nagbibigay ng proteksyon sa mga galamay ng Al-Qaeda, Jemaah Islamiyah, Abu Sayyaf at maging ng NPAs na namamayagpag sa ilang lugar ng bansa, ani Press Secretary Ignacio Bunye. (PIA-XI) [top]