Tagalog News: PGMA pinangunahan ang paglulunsad ng National Year for Prevention of Child Abuse and Neglect
by MM Galdones
Koronadal, South Cotabato (8 November) -- Sa pangunguna ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, opisyal na inilunsad kahapon ang National Year for the Prevention of Child Abuse and Neglect (NYPCAN) sa Asilio de San Vicente de Paul, Metro Manila.
Ang NYPCAN ay inilunsad sa pamamagitan ng Proclamation No. 1137 na inisyu ng Pangulong Arroyo noong ika-8 Setyembre, 2006 kung saan ideneklara nito ang buwan ng Oktubre taong 2006 hanggang Oktubre sa susunod na taon bilang Child Abuse Prevention Year (CAPY).
Ang nasabing proklamasyon ay bahagi ng advocacy program ng Child Protection Unit (CPU Net) at ng UP-Philippine General Hospital Child Protection Unit (PGH-CPU) na makabuo ng public awareness hinggil sa child abuse at neglect.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng Pangulo na "panahon na upang gumawa ng konkretong aksyon sa buong bansa para pigilin ang mga banta sa kalusugan at kabutihan ng mga bata.
Dagdag pa nito, mayroon ng mga batas para sa proteksiyon ng mga babae at mga bata.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng kampanya ng pamahalaan kontra kahirapan sa pagsabing isa rin itong paraan upang maprotektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso. (PIA 12) [top]