Tagalog News: Pangulong Gloria: On track sa SONA targets
Calabarzon (17 July) -- Tumatakbo sa tamang landas ang 'Ten Point Agenda ' ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng mabilisang pagpapatupad ng mga proyektong inilatag nya na may kaugnayan sa panlipunang pagbabago, pang imprastraktura at maayos na pamamahala.
Inaasahang pahapyaw na iuulat ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang lahat ng mga nagawang proyekto ng kanyang administrasyon mula taong 2001 hanggang sa kasalukuyan sa kanyang ikawalong SONA sa darating na Hulyo 28, 2008.
Sinabi ni Exec. Sec. Eduardo Ermita na nakasentro sa mga programang pangmahirap, elektrisidad, produksyon ng pagkain, imprastruktura at pangangalaga sa kapaligiran ang paksa ng SONA ng Pangulo. Dagdag pa dito ang pagsasaayos o paglalagay sa tamang lugar ng gastusin tungo sa mga programa na aagapay sa bansa sa nangyayaring pandaigdigang pagbagal ng takbo ng ekonomiya dala ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing pangangailangan sa pamilihan.
Idinagdag pa ni Acting National Economic Development Authority Director- General Augusto Santos na nais ng Pangulo na pagbutihin at ibuhos ang mga gastusin sa naturang prioridad na mga programa. (PIA) [top]