Tagalog News: PGMA bibisitahin ang jatropha plantation sa SocSKSarGen Region
Manila (22 July) -- Bibisitahin ngayong araw ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang dalawang ektaryang nursery at jatropha plantation dito sa SOCCSKSarGen Region.
Matatandaang binalangkas ng Pangulo sa kanyang SONA noong nakalipas na taon ang pagpapalawak ng jatropha production sa bansa bilang alternatibo at malinis na mapagkukunan ng supply ng langis. Sa pamamagitan nito mapapababa ang dependence ng bansa sa pag-aangkat ng produktong petrolyo at malaking tulong din upang maabot ang hangarin ng pamahalaang wakasan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang kita sa mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, 783 ektaryang sakahan na ang nataniman ng jatropha sa General Santos City ng Jubilee Agri-Advancement Corporation (JAC) sa pakiki-isa ng mga magsasaka. Ito ay inaasahang makapag-ani ng isang toneladang jatropha seeds bawat linggo.
Noong nakaraang July 3, 2008 ang Landan People's Multi-Purpose Cooperative (LPMC), private independent pineapple grower's cooperative ng DOLE Philippines na nakabase sa bayan ng Polomolok, South Cotabato ay lumagda ng kasunduan sa pagitan ng PNOC-AFC kung saan tataniman ng jatropha ang limang ektaryang bakanteng sakahan sa SOCCSKSarGen Region.
Sa pamamagitan ng pagpapalawak sa taniman ng jatropha sa bansa, ang Pilipinas ay inaasahang mapapabilang sa mga mauunlad na mga bansa tulad ng United Kingdom, India at iba pang mga bansa sa Europa na gumagamit ng biodesel bilang renewable at environment friendly alternative petrochemical diesel. (Abbenal/PIA 12) [top]