Tagalog News: Mga bangko sa Pilipinas pinapurihan
Manila (29 October) -- Pinapurihan ang pagiging mahigpit at maagap ng mga bangko ng Pilipinas dahil sa pagiging bahagi nitong mapatatag ang ekonomiya ng Pilipinas at maiwasang tuluyang bumagsak ang kalagayang pinansiyal ng bansa sa kabila ng kasalukuyang financial crisis.
Ayon kay Financial Adviser Myrna Valdez ng MPV Asset Management Company, ang Pilipinas ay hindi gaanong apektado ng suliraning pang-ekonomiya na hinaharap ng buong mundo dahil na din sa pagiging matatag ng mga bangko sa bansa pati na rin ng mga hakbang na patuloy na isinasagawa ng pamahalaan upang mapanatili lamang ang magandang takbo ng ekonomiya.
Ayon kay Valdez, ang mga bangko sa Pilipinas ay may mahigpit na patakaran na nagiging dahilan kung bakit hindi basta na lamang nakakautang ang mga negosyante sa bansa hanggat hindi tiyak ang kanilang estado hindi tulad sa Estados Unidos na bagamat madali lang makautang, mahirap naman ang pagkuha ng collateral.
Umaayon din si Valdez sa pananaw ng US-based rating agency na Standard and Poor's na ang Pilipinas ay isang "island of calm" sa kabila ng kasalukuyang suliranin sa pinansiyal kung saan mas mataas ang estado ng Pilipinas kumpara sa may matatag ding ekonomiya sa Asya tulad ng Malaysia, Thailand, India at Korea. (Lgtomas/PIA 12) [top]