Tagalog News: Sa kabila ng isyu sa NAIA 3, interesado pa ring mamuhunan dito ang mga Aleman
by Miriam P. Aquino
San Fernando City, La Union (10 October) -- Interesado pa ring mamuhunan ang mga Aleman sa Pilipinas sa kabila ng mga kontrobersiyang lumalabas hinggil sa di pa natatapos na Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA 3), ito ay ayon kay German Ambassador Axel Weishaupt.
Partikular aniya ang mga business process outsourcing (BPO) at manufacturing industries na siyang pangunahing pinagtutuunan ng mga imbestor sa bansa.
Nabanggit ni Weishaupt na malaki ang naging epekto ng isyu ng NAIA3 lalo na sa negosyo ngunit sa kabila ng lahat ay interesado pa rin sila lalo na sa $60 milyon na bahagi ng kumpensasyon sa Philippine International Airport Terminals Co. (PIATCO), na diumano’y 30 porsiyentong pag-aari ng Fraport, Germany AG.
Ang Siemens at Teletek ang pinakamalaking kumpanya ng Aleman sa Pilipinas. Pumapangalawa dito ang sector ng electronics at mga kagamitang pang-medikal. Maging ang industriya ng turismo ay nabebenipisyuhan sa mga turismong Aleman, ani Weishaupt.
Ayon na rin sa opisyal, libu-libong mga mamumuhunan at propesyunal na Aleman ang nagpupunta dito kada taon upang mamuhunan at makapamasyal sa ating bansa. (PIA La Union) [top]