Tagalog News: Pagsasaayos ng RPOC binigyang diin ni Mangudadatu
Koronadal City (23 October) -- Binigyang diin ni Region 12 Peace and Order Council Chairman at Sultan Kudarat Governor Suharto Mangudadatu ang kahalagahan ng pagsasaayos ng kasalukuyang set-up ng Regional Peace and Order Council (RPOC).
Ito umano ay bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mga local chief executives na patuloy na magsagawa ng konsultasyon sa lahat ng mga stakeholders lalong-lalo na sa pagsasaayos ng mga isyung may kinalaman sa kapayapaan at katahimikan, bilang pagsunod na din sa panibagong framework na disarmament, demobilization at reintegration (DDR).
Bilang chairman ng SOCCSKSARGEN peace council, ipinangako din ni Mangudadatu ang pagiging responsable at maagap ng nabanggit na council lalo na sa pagbibigay solusyon sa mga suliraning pangkapayapaan at kaayusan sa rehiyon dose sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ayon kay Mangudadatu, kinakailangang pangtuunan ng pansin ng RPOC ang pagkakaisa at pagtutulungan ng internal security operations (ISO) ng civil authorities at agencies, militar at kapulisan upang matiyak ang tahimik na kapaligiran para sa mga residente at mga bisitang pupunta sa rehiyon. (Lgtomas/PIA 12) [top]