Tagalog News: Gov. Alfonso V. Umali, Jr. napiling bagong pangulo ng Liga ng mga lalawigan ng Pilipinas
Calapan City (29 July) -- Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng pamahalaan sa Oriental Mindoro, ang Gobernador ng lalawigan ang siya ngayong pinakamataas na lider ng lahat ng mga gobernador mula sa 80 lalawigan sa buong bansa.
Ika-20 ng Hulyo nang pormal na kilalanin si Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. ng Oriental Mindoro bilang bagong halal na Pangulo ng League of Provinces of the Philippines. Unopposed si Gobernador Umali sa nabanggit na posisyon.
Matatandaang personal na pinili ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang Gobernador bilang kandidato ng Liberal Party sa pagka-pangulo ng liga ng mga gobernador sa buong Pilipinas, isang malinaw na patunay sa malaking pagtitiwala ng Pangulo ng Pilipinas sa kakayahan at karanasan ni Gobernador Umali sa larangan ng pamamahala.
Kaugnay nito, ipinasa on mass sponsorship ng Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, sa pangunguna ni Bise-Gobernador at SP Presiding Officer Humerlito A. Dolor, ang "SP Resolution Extending Profound Congratulations to the Hon. Provincial Governor Alfonso V. Umali, Jr. for Being Elected as National President of the League of the Provinces of the Philippines (LPP)", noong ika-21 ng Hulyo sa Kapitolyo.
Ang kapasiyahan ay personal na iniabot ni Bise-Gobernador Dolor at mga Bokal ng Sanggunian kay Gobernador Umali pagkatapos ng sesyon ng araw na iyon.
Sa kapasiyahan, nasasaad na sa ilalim ng liderato ni Gobernador Umali, inaasahan na ang Liga ng mga Lalawigan ay magiging pangunahing tagapagtaguyod ng lokal na pamahalaan at magiging kabalikat ng pamahalaang nasyunal sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mahahalaga at napapanahong polisya at alituntunin para sa mga lalawigan sa bansa.
Ang pagkakahalal din ng Gobernador sa pinakamataas na posisyon sa liga ay sumasalamin sa kanyang integridad at kakayahan bilang isang mahusay na pinuno na mabigyang-katuparan ang mga adhikaing pangkaunlaran ng kanyang pamunuan para sa lalawigan ng Oriental Mindoro at para sa lahat ng lalawigan ng buong Pilipinas.
Sa kapasiyahan, malinaw na ipinaabot din ng SP, sa pangunguna ni Bise-Gobernador Dolor, ang kanilang buong pagsuporta sa pamunuan ni Gobernador Umali at sa lahat ng kanyang mga pagpupunyaging pangkaunlaran bilang pinuno ng Oriental Mindoro at ng Liga ng mga Gobernador ng Pilipinas. (PIA) [top]