Tagalog News: Capability building on local governance, pangungunahan ng Oriental Mindoro SP
Calapan City (29 July) -- Sa layuning madagdagan at higit na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga lokal na mambabatas sa lalawigan upang maitaas ang antas at uri ng paglilingkod ng panlehislaturang sangay ng pamahalaan sa lalawigan, isang Capability Building on Local Governance ang pangungunahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro.
Sa pamumuno ni Bise-Gobernador at SP Presiding Officer Humerlito A. Dolor, gaganapin ito sa darating na Agosto sa Maynila kung saan inaasahang makikilahok ang mga myembro ng SP, mga vice-mayor, konsehal at mga kalihim ng iba't ibang Sangguniang Bayan sa lalawigan.
Bilang paghahanda sa gawain na pangangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), pinulong ni Bise-Gobernador Dolor, kasama si SP Secretary Diwata Fetizanan, ang mga opisyal ng bayan (nitong Hulyo 20) sa Kapitolyo upang pinuhin ang mga bagay kaugnay sa nabanggit na pagsasanay.
Nakatakda ring bisitahin ng delegasyon mula sa Oriental Mindoro ang Senate of the Philippines kung saan maaaring maipaabot ng mga lokal na mababatas sa mga konsernadong Senador ng bansa ang mga kahilingang proyekto para sa kanilang mga bayan at maging ang mga suliranin ng kanilang mga nasasakupan.
Inaasahan ring makikiisa sa gawain sina Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. at mga kinatawan ng lalawigan sa Kongreso na sina 1st District Representative Rodolfo G. Valencia at 2nd District Representative Reynaldo V. Umali. (PIA) [top]