Tagalog News: Halcon Heritage Forest Museum, isasagawa sa Oriental Mindoro
Calapan City (29 July) -- Isang proyektong naglalayong maitampok ang masaganang likas na yaman at pagkakaiba-ibang buhay ng Bundok Halcon at maitanghal ang mayamang kultura at tradisyong likas na Mindoreņo.
Dito nakasentro ang planong pagbubukas ng paunang bahagi ng Halcon Heritage Forest Museum sa may 500 ektaryang lupaing nasasakop ng Mt. Halcon sa bayan ng San Teodoro.
Upang tukuyin ang mahahalagang aspeto sa pagsasakatuparan ng multi-milyong pisong proyekto, isinagawa ang Stakeholders' Conference noong Hulyo 23-24 sa Eagle's Nest Resort, sa Brgy. Parang, Lungsod ng Calapan.
Sa pagpupulong, dumalo ang mga opisyal at kinatawan ng mga konsernadong ahensya ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon, at mga kinatawan ng mga katutubong Mangyan na naninirahan sa lupang nasasakupan ng project site upang magbahagi ng kani-kaniyang kaalaman at opinyon para sa matagumpay na pagsasakatuparan ng proyekto.
Ipinaliwanag ni National Commission for the Culture and the Arts (NCCA) Science and Technology Museums Head Myrna H. Jimenez, isa sa mga nag-organisa ng gawain, na batay sa nauna nang nilagdaang Memorandum of Agreement, ang panukalang proyekto ay magkakatuwang na itinataguyod ng Earthday Network Philippines, lokal na pamahalaan ng San Teodoro, DENR Region IV-B, Halcon Mountaineers, NCCA at Hands on Manila Foundation, Inc. at may pauna nang pondong P1M mula sa isang Japanese foundation.
Ayon pa kay Jimenez, ang planong paglalagay ng Forest Museum ay isang pangmatagalang proyekto na sisikaping magpreserba at mangalaga sa mga likas na yaman ng lugar, ang mga hayop, puno at halaman na dito'y matatagpuan, kasabay din ng pagpapakilala sa mga turista at iba pang mga bibisita sa lugar sa mayamang kultura at tradisyon ng mga Mindoreņo.
Binigyang-diin pa ni Jimenez na pinamamadali na ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. ang proyekto na inaasahang magiging isa sa mga pangunahing proyektong pangkalikasan ng kanyang pamunuan.
Ipinaabot naman ni Fr. Jim Ruga, head ng Environment Advisory Council na binuo ni Gob. Umali, na handang makipagtulungan ang Pamahalaang Panlalawigan at magkaloob ng mga kinakailangang tulong at suporta para sa pagsasasakatuparan ng proyekto dahil isa, aniya, ang usapin pangangalaga sa likas na yaman ng lalawigan sa mga tunguhing pangkaunlaran ng pamunuan ni Gobernador Umali para sa Oriental Mindoro. (PIA) [top]