Tagalog News: Mas produktibong pamamalaisdaan isinusulong ng Oriental Mindoro LGU
Calapan City (29 July) -- Isusulong ng bagong pamunuan ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. ang mas produktibong pamamalaisdaan sa Oriental Mindoro.
Ito ang binigyang-diin ni Provincial Administrator Angel M. Saulong na kumatawan sa gobernador sa Fisherfolks Forum sa Kapitolyo noong Hulyo 26 na dinaluhan ng mga mangingisda at fishpond operators mula sa iba't ibang bayan.
Ayon kay PA Saulong, ang pagtataguyod ng mga proyekto para sa pangisdaan ay isa sa mga nakikitang epektibong pamamaraan upang isulong ang prayoridad ng administrasyong Umali na pagkakaloob ng kabuhayan sa mga mamamayan.
Aniya pa, malaking bagay rin na ang kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture na si Sec. Proceso Alcala ay malapit na kaibigan ni Gobernador Umali kung kaya't napakalaki ng posiblidad na mabigyan ng malalaking proyektong pansakahan at pangisdaan ang lalawigan.
"Samantalahin po natin ang pagkakataon. Huwag po nating sayangin ang oportunidad na ipinagkakaloob ng pamahalaan. Sa kalaunan, ang inyong hanay po ang higit na makikinabang sa lahat ng ito," ayon pa kay PA Saulong.
Samantala, naging pangunahing tagapagsalita sa forum si Professor Valeriano Corre ng University of the Philippines-Visayas. Tinalakay niya ang Best Practices on Aquaculture.
Ibinahagi naman ni Extension Division Chief Cirila Perez ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources IV-B ang Fishery Status in MIMAROPA Region.
Ang Oriental Mindoro Aquaculture Industry: Status and Issues on Production ay tinalakay naman ni Coastal Resource Management Program Officer Marilyn Alcanices ng Provincial Agriculturist Office (PAgO).
Ang fisherfolks forum ay itinaguyod ng pamahalalaang panlalawigan sa pakikipagtulungan ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research o SEARCA. (PIA) [top]