Tagalog News: Piņol umaming nakatatanggap ng "death threats"
Koronadal City (23 October) -- Sa isang panayam kay North Cotabato Vice Governor at Sangguniang Panlalawigan Chair Manny Piņol, inamin nitong ang kanyang buhay ay nasa panganib kasunod ng mga natatanggap nitong "death threats" sa pamamagitan ng text messages, E-mails at phone calls.
Ang nabanggit na vice governor ay naging sentro umano ng assassination group na pinaghihinalaang binuo ng rebeldeng grupong Moro Islamic Liberation Front (MILF) na siyang responsable sa pagsalakay sa ilang bayan ng North Cotabato kamakailan.
Ayon kay Piņol, itinaas na ng nabanggit na rebeldeng grupo ang kanilang ipinatong sa kanyang ulo na nagkakahalaga ng tatlong daang libong piso (P300,000) para sa pagsagawa ng misyon na siya ay patayin. Ito marahil umano ay dahil sa kanyang paninindigan laban sa kontrobersiyal na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Ayon pa kay Piņol, ng mga panahong nanunungkulan pa ito bilang Gobernador ng North Cotabato, marami na din umanong magkatulad na banta sa kanyang buhay ang natatanggap nito kung kaya't hindi na bago para sa kanya ang mga nabanggit na "death threats." (Lgtomas/PIA 12) [top]