Tagalog News: "No spin, no fabrication" sa mga balita, ayon sa Communications team ng pamahalaan
Manila (29 July) -- Inihayag ng grupong bubuo sa Communications Group ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi na umano kailangan ng Pangulo ang bagong imahe.
Ang nais lamang umano ng Pangulo ay maipakita ng simple kung ano man siya at kung ano ang kanyang mga pananaw para sa sambayanang Pilipino.
Ayon kay dating TV anchor Ricky Carandang na ngayon ay hahawak sa "messaging functions" ng Communications Group, hindi umano gagamit ang grupo ng mga enhancements upang pagandahin ang imahe ng Pangulo at ng kanyang administrasyon, "no spin, no fabrication and no manufacture" paglalahad ni Carandang hinggil sa impormasyong aasahan ng media mula sa Malacanang at Ehekutibo.
Ayon naman kay dating newspaper columnist Herminio "Sonny" Coloma na ngayon ay mamumuno sa dissemination functions at mamamahala sa lahat ng mga media institutions na pag-aari ng pamahalaan, ang imahe umano ng Pangulong Aquino ay hindi na nangangailangan pang pagandahin dahil nakikinita naman umano ang kanyang pagkamakatotohanan at katapatan.
Hindi umano kailangan pang punuin ang mga media ng mga "praise releases" hinggil sa Pangulo at sa Malacanang. (ac agad/PIA12) [top]