Tagalog News: DFA hinihintay ang 'policy guidance' hinggil sa mga banned Pinoy workers sa Iraq
Manila (29 July) -- Walong araw matapos pumutok ang balitang puwersahang pagpapapabalik sa bansa ng mga Pilipinong manggagawa sa Iraq ayon sa utos ng US military, hindi pa umano natatanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang "policy guidance" mula sa Malakanyang.
Base sa hindi pa kumpirmadong memorandum ni Col. Richard Nolan, senior contracting officer sa Iraq ng Central Contracting Command (CENTCOM) na umanoy inilabas noong Hulyo 20 meron na lang hanggang Agosto 9 ang Pilipinas para pauwiin ang mga mamamayan nito na nasa Iraq.
Sa naturang memorandum ni Col. Nolan iniutos umano ang agarang repatration ng mga Third Country Nationals (TCNs), kabilang ang mga Pilipino at Nepalese, na nagtatrabaho sa Iraq na hindi naaayon sa batas ng US at Iraq. Ang memorandum ay ipinadala sa mga contractor na tumatanggap ng trabahante galing sa mga bansang nagpapairal ng ban ng worker deployment sa mga bansang katulad ng Iraq.
Samantala, sinabi ni Carmelita Dimzon ng Overseas Workers' Welfare Administration (OWWA) na nakikipag-usap na ang kagawaran sa ilang contractors upang tumulong sa pagtukoy ng kinaroroonan ng may walong libo hanggang sampung libong manggagawang Pinoy sa Iraq. (DE Doguiles/PIA 12) [top]