Tagalog News: Security measures sa pagsabog sa Batasan pina-iigting ng pamahalaang Arroyo
Manila (16 November) -- Mahigpit pa ring ipinag-uutos ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mga awtoridad ang pagpapaigting ng mga security measures kaugnay ng pagsabog sa Batasan kamakailan.
Kabilang sa mga inatasan ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) na dagdagan ang pondo para sa mga intelligence operations na gagawin at ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) na inatasang tukuyin at seguruhing sapat ang seguridad sa mga maaaring target ng pamamaslang lalo na sa mga miyembro ng Kongreso.
Ipinag-utos din ng Pangulong Arroyo sa Department of the Interior and Local Government DILG) ang pagtalaga ng mga bomb sniffing dogs sa Senado at Kamara upang seguruhing tahimik at maayos ang patuloy na session ng mga mambabatas.
Inihayag na rin ng pamahalaang Arroyo ang pagbibigay pabuya sa halagang P5 M sa sinumang makapagbigay alam sa pagkakakilanlan ng mga suspek at mastermind sa pagsabog sa Batasan upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima lalo na ang mga nasawi na kinabibilangan ng ilang mga local officials. (ajph/PIA 12) [top]