Tagalog News: PGMA pinasalamatan ang KBP at PNP
Manila (16 November) -- Pinasalamatan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP) dahil sa maingat na pag-uulat ng mga ito tungkol sa pagsabog ng Batasan kamakailan upang maiwasan ang pagdudulot ng haka-haka sa publiko.
Pinatunayan lamang umano ng KBP ang pagiging responsableng medya ng mga ito sa panahon ng trahedyang hinaharap ng bansa, ayon pa sa Pangulo.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang Philippine National Police (PNP) sa mabilis na pagkilos ng mga ito upang mabigyan ng seguridad ang mga mambabatas na patuloy ang paglilingkod sa bayan at sa nagiging bahagi nito upang maresolba ang mga naturang kaso ng terorismo.
Umaasa naman ang Pangulo na magkaroon na ng pagkakaisa at pagtutulungan ang pamahalaan at mamamayan sa pagpuksa ng krimen at karahasan tungo sa mapayapa at maunlad na bayan. (Lgtomas/PIA 12) [top]