Tagalog News: Hakbang para sa mga mahihirap patuloy na isinusulong ng pamahalaan
Manila (30 July) -- Sa kanyang 8th State-of-the-Nation-Address (SONA), inihayag ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang pag-aalala para sa mga mahihirap na mamamayang Pilipino habang binabanggit nito ang mga hakbang na kanyang isasagawa upang matulungan ang mga ito.
Ayon sa Pangulo, maliban sa sariling pagsisikap, tanging ang pamahalaan lamang ang makakatulong para sa mga mahihirap na makaangat lalo na sa pagharap ng suliranin sa di mapigilang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo sa pamilihan bunsod ng pagbaba ng ekonomiya ng mundo sa pamamagitan ng pangangalaga at pagtugon sa pangangailangan ng mga ito.
Upang maipaabot sa mga mahihirap ang tulong ng pamahalaan, patuloy ito sa pagsasagawa ng mga paraan tulad ng pagbibigay ng subsidy upang mapababa ang epektong dulot ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at pagtiyak ng supply ng pagkain sa bansa pati na rin ang pagpapababa ng energy dependence.
Kabilang din umano sa patuloy na isinusulong ng pamahalaan ay ang long term reforms upang makabenepisyo at makatulong hindi lamang sa mga mahihirap na Pilipino sa mahabang panahon kundi pati na rin sa mga susunod pang Pangulo ng bansa. (Lgtomas/PIA 12) [top]