Tagalog News: 2 milyong kabataan nanawagan ng Nuclear Weapon-Free World
Manila (13 May) -- Mahigit dalawang milyong kabataan ang pumirma sa isang petisyon para sa adapsyon ng Nuclear Weapons Convention na naglalayon ng malawakang pagbabawal ng sandatang nuclear.
Ang mga pirma ay kinalap ng mga miyembro ng Soka Gakkai ng Japan mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Sa nasabing petisyon, inihayag ng grupo sa pamamagitan ng Youth Peace Committee leader na si Kenji Shiratsuchi na ang bawat pirma ay kumakatawan ng buong pusong dedikasyon at pagsisikap ng mga kabataan.
Pakiusap ng mga kabataan, simulan na ang debate sa Nuclear Weapons Convention sa madaling panahon.
Ang Soka Gakkai ay isang Buddhist association na may labindalawang milyong miyembro sa halos dalawang daang bansa at teritoryo. Limampung taon na itong nakikibaka para sa pag-abolish ng sandatang nuclear. (DE Doguiles/PIA 12) [top]