Tagalog News: Barangay Bagsakan Project binuksan sa Magpet, Cotabato
by Ibs Baundi
Koronadal City (7 August) -- Isa na namang Barangay Bagsakan Project ang binuksan (Aug 6) ng Department of Agriculture 12 sa Barangay Poblacion ng Magpet, North Cotabato kung saan ang launching ay sinaksihan ng mga barangay at municipal officials, mga mamayan ng Magpet at mga opisyales ng DA.
Ayon kay Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Baidido Samama, ito ay pang apat na barangay Bagsakan Project sa rehiyon dose na nailunsad. And iba pa nito ay matatagpuan sa Dukay Esperanza Sultan Kudarat, Poblacion B sa Mlang North Cotabato at sa San Isidro sa Kidapawan City. Inaasahang mas marami pang kahalintulad nitong proyekto na nakatakdang ipapatayo sa mga piling lugar sa rehiyon dose dahil ito'y nakakatulong upang madagdagan ang kita sa barangay.
Kaugnay nito, nagpapasalamat at malugod na tinanggap ni Barangay Chairman Elmer Navales ang certificate at ownership ng nasabing proyekto na iginawad ni AMAD Chief Baidido Samama. Laking pasasalamat din ni Mayor Efren Piņol dahil ito aniya ang maging solusyon sa matagal nilang problema sa marketing ng kanilang mga produkto.
Samantala, binigyang diin ni DA-12 Regional Technical Director Visa T. Dimerin na dapat magkaroon ng collective effort sa komunidad at mabuting pamamahala upang matiyak ang sustainability ng project na mapapakinabangan ng mga mamimili dahil sa mura, masustansya at de kalidad na mga produkto. Ang nasabing proyekto ay bahagi ng Accelerated Hunger Mitigation Program ni President Gloria Macapagal Arroyo at DA Sec. Arthur Yap, kung saan ito ang bagsakan ng mga mura at de kalidad, masustansya at tuloy-tuloy na suplay ng pagkain tulad ng karne, isda, manok, gulay, prutas, bigas ay abot kamay sa presyong abot-kaya. Dito rin direktang naiuugnay ang mga supplier at buyers, at consumers ng mga produktong pang agrikultra. (PIA 12) [top]